State of the Nation Address
of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
To the Congress of the Philippines
[Delivered at the Session Hall of the House of Representatives, Batasan Pambansa Complex, Quezon City, on July 23, 2012]of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
To the Congress of the Philippines
Download the English version of 2012 SONA Technical Report
Senate President Juan Ponce Enrile; Speaker Feliciano
Belmonte; Bise Presidente Jejomar Binay; mga dating Pangulong Fidel
Valdez Ramos at Joseph Ejercito Estrada; ang ating mga kagalang-galang
na mahistrado ng Korte Suprema; mga kagalang-galang na kagawad ng
kalipunang diplomatiko; mga kagalang-galang na miyembro ng Kamara de
Representante at ng Senado; mga pinuno ng pamahalaang lokal; mga
miyembro ng ating Gabinete; mga unipormadong kasapi ng militar at
kapulisan; mga kapwa kong nagseserbisyo sa taumbayan; at siyempre sa
akin pong mga boss, magandang hapon po.
Ito po ang aking ikatlong SONA, at parang kailan lang nang
nagsimula tayong mangarap. Parang kailan lang nang sabay-sabay tayong
nagpasyang tahakin ang tuwid na daan. Parang kailan lang nang sinimulan
nating iwaksi ang wang-wang, hindi lamang sa kalsada kundi sa sistemang
panlipunan.
Dalawang taon na ang nakalipas mula nang sinabi ninyo,
“Sawa na kami sa korupsyon; sawa na kami sa kahirapan.” Oras na upang
ibalik ang isang pamahalaang tunay na kakampi ng taumbayan.
Gaya ng marami sa inyo, namulat ako sa panggigipit ng
makapangyarihan. Labindalawang-taong gulang po ako nang idineklara ang
Batas Militar. Bumaliktad ang aming mundo: Pitong taon at pitong buwang
ipiniit ang aking ama; tatlong taong napilitang mangibang-bansa ang
aking pamilya; naging saksi ako sa pagdurusa ng marami dahil sa
diktadurya. Dito napanday ang aking prinsipyo: Kung may inaagrabyado’t
ninanakawan ng karapatan, siya ang kakampihan ko. Kung may abusadong
mapang-api, siya ang lalabanan ko. Kung may makita akong mali sa
sistema, tungkulin kong itama ito. [Applause]
Matagal nang tapos ang Batas Militar. Tinanong tayo noon:
“Kung hindi tayo, sino pa?” at “Kung hindi ngayon, kailan pa?” Ang
nagkakaisang tugon natin: tayo at ngayon na. Ang demokrasyang ninakaw
gamit ang paniniil at karahasan, nabawi natin sa mapayapang paraan;
matagumpay nating pinag-alab ang liwanag mula sa pinakamadilim na
kabanata ng ating kasaysayan.
Ngunit huwag po nating kalimutan ang pinag-ugatan ng Batas
Militar: Kinasangkapan ng diktador ang Saligang Batas upang manatili sa
kapangyarihan. At hanggang ngayon, tuloy pa rin ang banggaan sa pagitan
ng gusto ng sistemang parehas, laban sa mga nagnanais magpatuloy ng
panlalamang.
Mula sa unang araw ng ating panunungkulan, walang ibang sumalubong sa atin kundi ang mga bangungot ng nawalang dekada.
Nariyan po ang kaso ng North Rail. Pagkamahal-mahal na nga
nito, matapos ulitin ang negosasyon, nagmahal pa lalo. Sa kabila nito,
binawasan ang benepisyo. Ang labingsiyam na trainsets naging tatlo, at
sa mga estasyon, mula lima, naging dalawa. Ang masaklap po,
pinapabayaran na sa atin ang utang nito, now na.
Nariyan ang walang pakundangang bonus sa ilang GOCC, sa
kabila ng pagkalugi ng kanilang mga ahensya. Nariyan ang isang bilyong
pisong pinasingaw ng PAGCOR para sa kape. Nariyan ang sistemang
pamamahala sa PNP na isinantabi ang pangangailangan sa armas ng 45
porsiyento ng kapulisan, para lang kumita mula sa lumang helicopter na
binili sa presyong brand new.
Wala na ngang iniwang panggastos, patung-patong at
sabay-sabay pa ang mga utang na kailangang bayaran na. Mahaba ang
iniwang listahan na tungkulin nating punuan: Ang 66,800 na backlog sa
classrooms, na nagkakahalaga ng tinatayang 53.44 billion pesos; ang
2,573,212 na backlog sa mga upuan, na nagkakahalaga naman ng 2.31
billion pesos. Nang dumating tayo, may halos tatlumpu’t anim na milyong
Pilipinong hindi pa miyembro ng PhilHealth. Ang kailangan para makasali
sila: maaaring umabot sa 42 billion pesos. Idagdag pa po natin sa lahat
ng iyan ang 103 billion pesos na kailangan para sa modernisasyon ng
Hukbong Sandatahan. Sa harap ng lahat ng ito, ang iniwan sa ating pondo
na malaya nating magagamit: 6.5 percent ng kabuuang budget para sa
natitirang anim na buwan ng 2010. Para po tayong boksingerong isinabak
sa laban nang nakagapos na nga ang mga kamay at paa, nakapiring pa ang
mga mata, at kakampi pa ng kalaban ang referee at ang mga judge.
Kaya nga sa unang tatlong buwan ng aming panunungkulan,
inaabangan namin ang pagdating ng Linggo para maidulog sa Panginoon ang
mga bangungot na humaharap sa amin. Inasahan naming mangangailangan ng
‘di bababa sa dalawang taon bago magkaroon ng makabuluhang pagbabago.
Bibigyan kaya tayo ng sapat na pag-unawa ng taumbayan?
Subalit kung may isang bagay mang nakatatak na sa ating
lahi, at makailang ulit na nating pinatunayan sa buong mundo: Walang
hindi makakaya ang nagkakaisang Pilipino. Nangarap po tayo ng pagbabago;
nakamit natin ang pagbabago; at ngayon, karaniwan na ito. [Applause]
Ang kalsadang pinondohan ninyo ay tuwid, patag, at walang bukol; ang tanging tongpats ay aspalto o semento. Karaniwan na po ito.
Ang sitwasyon kung paparating ang bagyo: nakaabang na ang
relief, at hindi ang tao ang nag-aabang ng relief. Nag-aabang na ring
umalalay ang rescue services sa taumbayan, at hindi tayo-tayo lang din
ang sumasaklolo sa isa’t isa. Karaniwan na po ito.
Ang wang-wang sa lansangan, galing na lang sa pulis,
ambulansya, o bumbero—hindi sa opisyal ng gobyerno. Karaniwan na rin po
ito. Ang gobyernong dating nang-aabuso, ngayon, tunay na kakampi na ng
Pilipino. [Applause]
Nagpatupad po tayo ng reporma: tinanggal ang gastusing
hindi kailangan, hinabol ang mga tiwali, at ipinakita sa mundong open
for business under new management na ang Pilipinas.
Ang dating sick man of Asia, ngayon, punung-puno na ng
sigla. Nang nagkaroon tayo ng positive credit rating action, ang sabi ng
iba, tsamba. Ngayong walo na po sila, tsamba pa rin kaya? [Applause] Sa
Philippine Stock Exchange index, nang una nating nahigitan ang 4,000 na
index, may mga nagduda. Ngayon, sa dami ng all-time high, pati economic
managers, nahirapan yata sa pagbilang, at ako rin po ay nagulat:
nakakaapatnapu’t apat na pala tayo, at bihira nang bumaba sa 5,000 ang
index. [Applause] Nito pong first quarter ng 2012, ang GDP growth natin,
6.4 percent; milya-milya ang layo niyan sa mga prediksyon, at
pinakamataas sa buong Southeast Asian region; pangalawa po ito sa Asya,
sunod lang tayo sa Tsina. [Applause] Kung dati po, tayo ang laging
nangungutang, ngayon, hindi po birong tayo na ang nagpapautang.
[Applause] Dati, namamalimos tayo ng investments; ngayon, sila na ang
dumadagsa. Ang mga kumpanyang Hapon, sa isang pagpupulong, ang sabi ay,
“Baka gusto n’yo kaming silipin. Hindi nga kami ang pinakamura, pero una
naman kami sa teknolohiya.” Pati pinuno ng isang bangko sa Inglatera,
kamakailan nakikiusap maisali sa pila.
Sa bawat sulok ng mundo, nagpapakita ng paghanga ang mga
komentarista. Ayon sa Bloomberg Businessweek, and I quote: “Keep an eye
on the Philippines.” Ang Foreign Policy magazine, pati isa sa mga pinuno
ng ASEAN 100, nagsabing maaari daw tayong maging, and I quote, “Asia’s
Next Tiger.” [Applause] Sabi ni Ruchir Sharma, pinuno ng Emerging Market
Equities and Global Macro ng Morgan Stanley, I quote: “The Philippines
is no longer a joke.” At mukha naman pong hindi siya nambobola, dahil
tinatayang isang bilyong dolyar ang ipinasok ng kanyang kumpanya sa atin
pong bansa. [Applause] Sana nga po, ang kaliwa’t kanang paghanga ng
taga-ibang bansa, masundan na ng lokal na tagapagbalita. [Applause]
Sinisiguro po nating umaabot ang kaunlaran sa mas
nakakarami. Alalahanin po natin: Nang mag-umpisa tayo, may 760,357 na
kabahayang benepisyaryo ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Tinarget [target] natin itong paabutin sa 3.1 million sa loob ng
dalawang taon. Pebrero pa lang po ng taong ito, naiparehistro na ang
ikatlong milyong kabahayang benepisyaryo ng Pantawid Pamilya. [Applause]
Sa susunod na taon naman, palalawakin pa natin ang sakop nito sa 3.8
milyong bahay; limang beses po ang laki niyan sa dinatnan natin.
Pangmatagalan po ang impact ng proyektong ito. Hindi pa
kumpleto ang mga pag-aaral, pero ngayon pa lang, maganda na ang
ipinapakita ng numero. Base sa listahan ng DSWD: May 1,672,977 na mga
inang regular nang nagpapacheck-up. 1,672,814 na mga batang
napabakunahan laban sa diarrhea, polio, tigdas at iba pa. Four point
fifty-seven million na estudyanteng hindi na napipilitang mag-absent
dahil sa kahirapan. [Applause]
Sa kalusugan naman po: Nang dumating tayo, animnapu’t
dalawang porsiyento lamang ng mga Pilipino ang naka-enrol sa PhilHealth.
Ang masaklap, hindi pa masiguro kung lahat sila ay kabilang sa mga
totoong nangangailangan ng kalinga ng estado, o buwenas lang na malapit
sa politiko. Ngayon po, 85 percent ng lahat ng mamamayan, miyembro na
nito. [Applause] Ang ibig pong sabihin, 23.31 million na Pilipino ang
naidagdag sa mga saklaw ng PhilHealth mula nang bigyan tayo ng mandato.
[Applause]
Ang maganda pa rito: ang 5.2 million na pinakamahirap na
kabahayang tinukoy ng National Household Targeting System, buong-buo at
walang-bayad nang makikinabang sa benepisyo ng PhilHealth. [Applause]
Dahil po sa No Balance Billing policy ng Department of Health, ang lunas
para sa dengue, pneumonia, asthma, katarata, gayundin ang pagpapagamot
sa mga catastrophic disease tulad ng breast cancer, prostate cancer, at
acute leukemia, makukuha na nang libre ng mga pinakamahirap nating
kababayan. [Applause]
Ito po ang proseso ng pagpapagamot para sa kanila: Papasok
ka sa alinmang ospital ng gobyerno. Ipapakita mo ang iyong PhilHealth
card. Magpapagamot ka. At uuwi kang maginhawa nang walang inilabas ni
isang kusing.
Sabi nga po sa isa sa mga briefing na dinaluhan natin, apat
sa sampung Pilipino, hindi man lamang nakakakita ng health professional
sa tanang buhay nila. Sa iba po, mas malaki pa: may nagsasabing anim sa
bawat sampung Pilipino ang pumapanaw nang malayo sa kalinga ng health
professional. Anuman ang ating pagbatayan, hindi po maikakaila:
nakakabahala ang bilang ng mga Pilipinong hindi naaabot ang serbisyong
pangkalusugan ng pamahalaan. Tinutugunan na po natin ito. Mula sa
sampung libo noong dumating tayo, umabot na sa 30,801 ang mga nurse at
midwife na ating nai-deploy sa ilalim ng RNHeals Program. [Applause]
Idagdag pa po natin sa kanila ang mahigit labing-isang libong Community
Health Teams na nagsisilbing tulay upang higit na mapatibay ang ugnayan
ng mga doktor at nurse sa komunidad.
At kung dati tutungo lamang ang mga nurse kung saan
makursunadahan ng kanilang hepe, ngayon, dahil sa tamang targeting, kung
saan sila kailangan, doon sila ipinapadala: [applause] sa mga lugar na
matagal nang naiwan sa laylayan ng lipunan. Ipinadala po ang ating mga
health professional sa 1,021 na pook na saklaw ng Pantawid Pamilya, at
sa 609 na pinakamahihirap na lungsod at munisipyo, ayon sa pag-aaral ng
National Anti-Poverty Commission. [Applause]
Dalawang problema po ang natutugunan nito: bukod sa
nagkakatrabaho at nabibigyan ng work experience ang libu-libong nurse at
midwife na dati ay walang mapaglalaanan ng kanilang kaalaman, nagiging
abot-kamay din ang dekalidad na kalinga para sa milyun-milyon nating
kababayan.
Subalit hindi pa po tayo makukuntento rito, dahil ang
hangad natin: kalusugang pangkalahatan. Nagsisimula ito, hindi sa mga
pagamutan, kundi sa loob mismo ng kanya-kanya nating tahanan. Ibayong
kaalaman, bakuna, at checkup ang kailangan upang mailayo tayo sa
karamdaman. Dagdag pa po diyan ang pagsisikap nating iwasan ang mga
sakit na puwede namang iwasan.
Halimbawa: Nabanggit ko ang mosquito traps kontra dengue
noong nakaraang taon.Alam naman po ninyo, ang mga syantipiko mahigpit sa
pagsisiyasat. Maaga pa para sabihing siguradong-sigurado na tayo, pero
nakaka-engganyo po ang mga paunang resulta nitong programang ito.
Sinubok natin ang bisa ng mosquito traps sa mga lugar kung
saan naitala ang pinakamataas na insidente ng dengue. Sa buong probinsya
ng Bukidnon noong 2010, may 1,216 na kaso. Nang inilagay ang mga
mosquito trap noong 2011: mukhang nakatulong dahil bumaba ito sa
tatlumpu’t pito; 97 percent raw po ang reduction po ito. Sa bayan ng
Ballesteros at Claveria sa Cagayan, may 228 na kaso ng dengue noong
2010. Pagdating ng 2011, walo na lang ang naitala. Sa Catarman, Northern
Samar: 434 na kaso ng dengue noong 2010, naging apat na lang noong
2011. [Applause]
Panimulang pag-aaral pa lamang po ito. Pero ngayon pa lang,
marapat na yata nating pasalamatan sina Secretary Ike Ona ng DOH at
Secretary Mario Montejo ng DOST, [Applause] Wala naman tayong masyadong
umento, [palakpak ninyo na lang] para naman ganahan silang lalong
magsaliksik at mag-ugnayan.
Marami pa po tayong kailangang solusyonan. Nakakabahala ang
mataas pa ring maternal mortality ratio ng bansa. Kaya nga po gumagawa
tayo ng mga hakbang upang tugunan ang pangangailangan sa kalusugan ng
kababaihan. Nais din nating makamit ang Universal Health Care, at
magkaroon ng sapat na kagamitan, pasilidad, at tauhan ang ating mga
institusyong pangkalusugan.
Sa pagtugon natin sa mga ito, malaki ang maiaambag ng Sin
Tax Bill. Maipasa na po sana ito sa lalong madaling panahon. [Applause]
Mababawasan na ang bisyo, madadagdagan pa ang pondo para sa kalusugan.
Ano naman kaya ang sasalubong sa kabataan pagpasok sa
paaralan? Sa lilim ng puno pa rin kaya sila unang matututo ng abakada?
Nakasalampak pa rin kaya sila sa sahig habang nakikipag-agawan ng
textbook sa kaklase nila?
Matibay po ang pananalig natin kay Secretary Luistro: Bago
matapos ang susunod na taon, ubos na ang minana nating 66,800 na
kakulangan sa silid-aralan. [Applause] Ulitin ko po, next year pa po
‘yan; 40,000 pa lang this year. Ang minana po nating 2,573,212 na
backlog sa upuan, tuluyan na rin nating matutugunan bago matapos ang
2012. [Applause] Sa taon din pong ito, masisimot na rin ang 61.7 million
na backlog sa textbook upang maabot na, sa wakas, ang one is to one
ratio ng aklat sa mag-aaral. [Applause] Sana nga po, ngayong paubos na
ang backlog sa edukasyon, sikapin nating huwag uling magka-backlog dahil
sa dami ng estudyante. Sa tingin ko po, Responsible Parenthood ang
sagot dito. [Applause]
At para naman po hindi mapag-iwanan ang ating mga State
Universities and Colleges, mayroon tayong panukalang 43.61 percent na
pag-angat sa kanilang budget para sa susunod na taon. [Applause] Paalala
lang po: lahat ng ginagawa natin, may direksyon; may kaakibat na
kondisyon ang dagdag-budget na ito. Kailangang ipatupad ang
napagkasunduang SUC Reform Roadmap ng CHED at ng kaukulang state
colleges and universities, upang siguruhing dekalidad ang magiging
produkto ng mga pamantasang pinopondohan ng estado. Kung mataas ang
grado ninyo sa assignment na ito, asahan ninyong dodoblehin din namin
ang kayod para matugunan ang mga natitirang pangangailangan po ninyo.
[Applause]
Panay addition po ang nagaganap sa ating budget sa
edukasyon. Isipin po ninyo: ang budget ng DepEd na ipinamana sa atin
noong 2010, 177 billion pesos. Ang panukala natin para sa 2013: 292.7
billion pesos. [Applause] Noong 2010, 21.03 billion pesos ang budget
para sa SUCs. Taunan po iyang dinagdagan upang umabot na sa 37.13
billion pesos na panukala natin para sa 2013. [Applause] Pero sa kabila
nito, ngayon pa lang, may nagpaplano nang magcut-classes para mag-piket
sa Mendiola. Ganito po kasimple: ang 292.7 ay mas malaki sa 177, at ang
37.13 ay mas malaki sa 21.03. Kaya kung may magsasabi pa ring binawasan
natin ang budget ng edukasyon, kukumbinsihin na lang namin ang inyong
mga paaralan na maghandog ng remedial math class para sa inyo. [Laughter
and applause] At sana po, sa mga klaseng iyon, pakiusap po, pasukan
naman ninyo.
Nang maupo tayo, at masimulan ang makabuluhang reporma,
minaliit ng ilan ang pagpapakitang-gilas ng pamahalaan. Kundi raw
buwenas, ningas-kugon lang itong mauupos rin paglaon. May ilan pa rin
pong ayaw magretiro sa paghahasik ng negatibismo; silang mga tikom ang
bibig sa good news, at ginawang industriya na ang kritisismo.
Kung may problema kayo na bago matapos ang taon, bawat bata
ay may sarili nang upuan at aklat, tingnan ninyo sila, mata sa mata, at
sabihin ninyong, “Ayaw kong makapag-aral ka.”
Kung masama ang loob ninyo na ang 5.2 million na
pinakamahihirap na kabahayang Pilipino ay maaari nang pumasok sa ospital
nang hindi iniintindi ang gastos sa pagpapagamot, tingnan ninyo sila
ulit, mata sa mata, at sabihin ninyong, “Ayaw kong gumaling ka.”
Kung nagagalit kayo na may tatlong milyong pamilyang
Pilipino nang tumutungo sa katuparan ng kanilang mga pangarap dahil sa
Pantawid Pamilya, tingnan ninyo sila, mata sa mata, at sabihin ninyong,
“Ibabalik ko kayo sa kawalan ng pag-asa.” [Applause]
Tapos na ang panahon kung kailan choice lang ng
makapangyarihan ang mahalaga. Halimbawa, ang dating namumuno sa TESDA,
nagpamudmod ng mga scholarship voucher; ang problema, wala palang
nakalaang pondo para rito. Natural, tatalbog ang voucher. Ang napala:
2.4 billion pesos ang sinisingil ng mahigit isanlibong eskwelahan mula
sa pamahalaan. Nagpapapogi ang isang tao’t isang administrasyon;
sambayanang Pilipino naman ang pinagbabayad ngayon.
Pumasok si Secretary Joel Villanueva; [applause] hindi siya
nagpasindak sa tila imposibleng pagbabagong dapat ipatupad sa kanyang
ahensya. Sa kabila ng malaking utang na minana ng TESDA, 434,676 na
indibidwal pa rin ang kanilang hinasa sa ilalim ng Training for Work
Scholarship Program. [Applause] Kongkretong tagumpay din po ang hatid ng
TESDA Specialista Technopreneurship Program (mas mahirap pong bigkasin
kaysa sa resulta). Biruin po ninyo: Bawat isa sa 5,240 na sertipikadong
Specialistas, kumikita na ngayon ng 562 pesos kada araw o 11,240 pesos
kada buwan. Mas malaki pa po ito sa minimum wage. [Applause]
Mula sa pagkasanggol, hanggang sa pagkabinata, gumagana na
ang sistema para sa mamamayan. Sinisiguro nating manganganak ng trabaho
ang pagsigla ng ating ekonomiya.
Alalahanin po natin: para tumabla lang, kailangang
makalikha taun-taon ng isang milyong bagong trabaho para sa mga new
entrants. Ang nalikha po natin sa loob ng dalawang taon: halos 3.1
million na bagong trabaho. [Applause]
Ito po ang dahilan kung bakit pababa nang pababa ang
unemployment rate sa bansa. Nang dumating tayo, eight percent ang
unemployment rate. Naging 7.2 ito noong Abril ng 2011, at bumaba pa lalo
sa 6.9 ngayong taon, sa buwan rin ng Abril. ‘Di po ba makatwirang
mangarap na balang araw, bawat Pilipinong handang magbanat ng buto, may
mapapasukang trabaho?
Tingnan na lamang po natin ang BPO sector. Noong taong
2000, limanlibo katao lang ang naempleyo sa industriyang ito. Fast
forward po tayo: 638,000 katao na ang nabibigyang trabaho ng mga BPO, at
labing-isang bilyong dolyar ang ipinasok nito sa ating ekonomiya noong
taong 2011. Ang projection nga po, pagdating ng 2016, kung saan ako po
ay magpapaalam na sa inyo, 25 billion dollars na ang maipapasok nito, at
makakapag-empleyo ng 1.3 million na Pilipino. [Applause] Hindi pa po
kasama rito ang tinatayang aabot sa 3.2 million na mga taxi driver,
barista, mga sari-sari store, karinderya, at marami pang ibang
makikinabang sa mga indirect jobs na malilikha dahil sa BPO industry.
Malaking bahagi din po ng ating job-generation strategy ang
pagpapatayo ng sapat na imprastruktura. Sa mga nakapagbakasyon na sa
Boracay, nakita na naman ninyo ang bagong-binyag nating terminal sa
Caticlan. Nakalatag na rin po ang plano upang palawakin ang runway nito.
Magkakaroon pa po ‘yan ng mga kapatid: bago matapos ang
aking termino, nakatayo na ang New Bohol Airport sa Panglao, [applause]
New Legaspi Airport sa Daraga, at Laguindingan Airport sa Misamis
Oriental. [Applause] Ia-upgrade na rin po natin ang ating international
airports sa Mactan, Puerto Princesa, at Tacloban. [Applause] Dagdag pa
po diyan ang pagpapaganda ng mga airport sa Butuan, Cotabato, Dipolog,
Pagadian, Tawi-Tawi, Southern Leyte, at San Vicente sa Palawan.
[Applause] Kami po sa Tarlac ay maghihintay na lang. [Laughter]
Pang-apat na Pangulo na po akong sasalo sa problema ng NAIA
3. Hindi lang po eroplano ang nag-take off at nag-landing dito: maging
mga problema’t anomalya, lumapag din. Nagbitiw na po ng salita si
Secretary Mar Roxas: bago tayo magkita sa susunod na SONA, maisasaayos
na ang mga structural defects na minana natin sa NAIA 3. [Applause]
Nitong Hunyo po, nagsimula na ring umusad ang proseso para
sa LRT Line 1 Cavite Extension project, na magpapaluwag sa trapik sa Las
Piñas, Parañaque, at Cavite. [Applause] Dagdag pa diyan, para lalong
mapaluwag ang traffic sa Kamaynilaan at mapabilis ang pagtawid mula
North Luzon hanggang South Luzon Expressway, magkakaroon ng dalawang
elevated NLEX–SLEX connector. Matatapos po ang mga ito sa 2015.
[Applause] Magiging one hour and 40 minutes na lang ang biyaheng Clark
papuntang Calamba oras na makumpleto ang mga ito. Bago po tayo bumaba sa
puwesto, nakatayo na rin ang mga dekalidad na terminal sa Taguig,
Quezon City, at Parañaque na paparadahan ng bus biyaheng probinsya,
[applause] upang hindi na sila makisiksik pa sa EDSA.
Nagbago na po ang takbo ng usapan tungkol sa ahensyang
dati’y itinuturing na pugad ng kapalpakan. Naalala ko po dati: Kapag
tag-ulan at umapaw ang Tarlac River, nalulunod ang MacArthur Highway.
Tutunawin nito ang aspalto; magbabaku-bako ang kalsada hanggang sa
tuluyan na nga itong mawawala. Bilang kinatawan noon ng aking distrito,
inireklamo ko po ito. Ang tugon ng DPWH: alam namin ang problema, alam
namin ang solusyon, pero wala kaming pera. Kinailangan ko pong makiusap
sa aking mga barangay, at ang sabi ko po sa kanila ay “Kung hindi natin
ito uunahin, walang gagawa nito, at tayo rin ang mapeperhuwisyo.” Dati,
panay ang “hoy, gising!” sa gobyerno, bakit wala daw kasing ginagawa.
Ngayon ang reklamo, “sobra namang trapik, ang dami kasing ginagawa.”
[Laughter and applause] Paalala lang din po: naisasaayos na natin ang
mga kalsadang ito nang hindi nagtataas ng buwis. [Applause]
Bubuo tayo ng mga daanan, hindi ayon sa kickback o
kursonada, pero ayon sa isang malinaw na sistema. Dahil hindi na
bara-bara ang paglalagak natin ng pondo para sa mga proyekto, hindi na
ito mapapako sa plano, totoong kalsada na ang pakikinabangan ng
Pilipino. Nang maupo po tayo sa puwesto, 7,239 kilometers sa ating
national road network ang hindi pa naisasaayos. 1,569 kilometers na nito
ang naipaayos natin sa ilalim ng pamamahala ni Secretary Babes Singson;
[applause] sa 2012—2,275 kilometers pa ang maidadagdag na natapos na
rin po. Pati po ang mga kalsada at kurbadang mapanganib, tinutukoy at
inaayos na gamit ang teknolohiya. Taun-taon po nating bubunuin ito,
upang bago matapos ang aking termino, bawat pulgada ng ating national
road network, maayos na po. Siyempre ‘wag la lang po n’yo dagdagan ang
national road network.
Hindi lang kalsada, kundi pati sistema, isinasaayos sa
DPWH. Dahil sa pagsunod sa tamang proseso ng bidding at procurement,
10.6 billion pesos na ang natipid ng kanilang ahensya mula 2011 hanggang
nitong Hunyo. [Applause] Maging mga kontratista, batid ang positibong
bunga ng reporma sa DPWH. Sabi nga po nila, “ang top 40 na kontratista,
fully booked na raw po.”
Sana po hindi maantala ang pagpapatayo natin ng iba pang
imprastraktura para hindi rin mapurnada ang paglago ng ibang industriya.
Kaakibat ng pagpapaunlad ng imprastruktura ang paglago ng
turismo. Isipin po ninyo: Noong 2001, ang tourist arrivals sa ating
bansa, 1.8 million. Nang dumating po tayo noong 2010, naglalaro ito sa
3.1 million. Mantakin po ninyo: sa hinaba-haba ng kanilang
administrasyon, ang naidagdag nilang tourist arrivals, 1.3 million
lamang; may ambag pa kaming kalahating taon diyan. Tayo naman po, Hunyo
pa lang ng 2012—2.1 million na turista na ang napalapag. [Applause] Mas
marami pang dadagsa sa peak season bago matapos ang taon, kaya hindi ako
nagdududang maaabot natin ang quota na 4.6 million na turista para sa
2012. [Applause] Ibig sabihin po: 1.5 million na turista ang ating
maidadagdag. Samakatuwid, sa dalawang taon, mas malaki ang magiging
paglago ng ating tourist arrivals, kumpara sa naidagdag ng pinalitan
natin sa loob ng siyam at kalahating taon. Hindi po tayo nagtataas ng
bangko; nagsasabi lang po tayo ng totoo. [Applause]
Pero hindi nakuntento rito si Secretary Mon Jimenez. Sabi
niya, kung sa Malaysia may bumisitang 24.7 million na turista noong
2011, at kung sa Thailand naman tinatayang 17 million, sa dinami-rami ng
magagandang tanawin sa ating bansa, hindi naman siguro suntok sa buwan
kung mangarap tayong pagdating ng 2016, sampung milyong turista na ang
bibisita sa Pilipinas kada taon. [Applause] Kung patuloy na magkakaisa
ang sambayanang Pilipino, gaya ng ipinamalas nating hirangin ang Puerto
Princesa Underground River bilang isa sa New Seven Wonders of Nature,
walang dudang makakamtan natin ito. Ang pahayag nga po natin sa daigdig:
“It’s more fun in the Philippines.” [Applause] Kahit wala pang isang
taon sa puwesto si Secretary Mon Jimenez, nagagapas na natin ang
positibong bunga ng ating mga naipunlang reporma. Masasabi nga po nating
pagdating sa turismo, “It’s really fun—to have Secretary Mon Jimenez as
our Secretary.” [Applause]
Kung paglago po ang usapan, nasa tuktok ng listahan ang
agrikultura. Kayod-kalabaw po si Secretary Alcala upang makapaghatid ng
mabubuting balita. Dati, para bang ang pinapalago ng mga namumuno sa DA
ay ang utang ng NFA. Twelve billion pesos ang minana nilang utang; ang
ipinamana naman nila sa atin, 177 billion pesos.
Hindi po ba’t noon, pinaniwala tayo na 1.3 million metric
tons ang kakulangan sa bigas, at para tugunan ito, ‘di bababa sa two
million metric tons ang kanilang inangkat noong 2010. Parang unlimited
rice sila kung maka-order ng bigas, pero dahil sobra-sobra, nabubulok
lang naman ito sa mga bodega. Ang 1.3 million metric tons, unang taon pa
lang, napababa na natin sa 860,000 metric tons. [Applause] Ngayong
taon, 500,000 na lang, kasama pa ang buffer sakaling abutin tayo ng
bagyo. [Applause] Huwag lang po tayong pagsungitan ng panahon, harinawa,
sa susunod na taon ay puwede na tayong mag-export ng bigas. [Applause]
Ang sabi po ni Secretary Alcala: ang susi dito,
makatotohanang programa sa irigasyon, at masigasig na implementasyon ng
certified seeds program. [Applause] Ang masakit po, hindi bagong
kaalaman ito; hindi lang ipinapatupad. Kung dati pa sila nagtrabaho nang
matino, nasaan na kaya tayo ngayon?
Tingnan rin po natin ang industriya ng niyog at ang
cocowater na dati tinatapon lang, ngayon, napapakinabangan na ng
magsasaka. Noong 2009—483,862 liters ng cocowater ang iniluwas natin.
Umangat po ito ng 1,807,583 liters noong 2010. Huwag po kayong
magugulat: noong 2011: 16,756,498 liters [applause]—puwede ho bang
ulitin iyon?—16,756,498 liters ng cocowater ang in-export ng Pilipinas.
Ang coco coir naman, kung dati walang pumapansin, ngayon may shortage na
dahil pinapakyaw ng mga exporter. Hindi natin sasayangin ang
pagkakataong ito: bibili pa tayo ng mga bagong makinang magpoproseso ng
bunot para makuha ang mga hiblang ginagawa mula sa coco coir. Sa susunod
na taon, lalo nating mapapakinabangan ang industriya ng niyog: Naglaan
na tayo ng 1.75 billion pesos upang mamuhunan at palaguin ito.
[Applause]
Sinimulan po ng aking ina ang Comprehensive Agrarian Reform
Program. Nararapat lamang na matapos ang programang ito sa panahon ng
aking panunungkulan. [Applause]
Isinasaayos na po ang sistema upang mapabilis ang
pagpapatupad ng repormang agraryo. Ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng
hakbang upang maipamahagi sa ating magsasaka ang mga lupaing diniligan
at pinagyaman ng kanilang pawis. Subalit mayroon pa rin pong ayaw paawat
sa pagtatanim ng mga balakid. Ang tugon ko sa kanila: susunod tayo sa
batas. Ang atas ng batas, ang atas ng taumbayan, at ang atas ko: Bago
ako bumaba sa puwesto, naipamigay na dapat ang lahat ng lupaing sakop ng
CARP. [Applause]
Liwanagin naman po natin ang nangyayari sa sektor ng
enerhiya. Mantakin po ninyo: Dati po, umabot lang ang kawad ng kuryente
sa barangay hall, “energized” na raw ang buong barangay. Kaya ganun na
lang kung ipagmalaki nilang 99.98 percent na raw ng mga barangay sa
bansa ang may kuryente. Pati ba naman sa serbisyong dapat ay matagal
nang napapakinabangan ng Pilipino, nagkakagulangan pa? Kaya nga po, para
subukan ang kakayahan ng DOE at NEA, naglaan tayo ng 1.3 billion pesos
para pailawan ang unang target na 1,300 sitios, sa presyong isang
milyong piso bawat isa. Nang matapos sila, ang napailawan sa inilaan
nating pondo: 1,520 sitios, at gumastos lamang sila ng 814 million
pesos. [Applause] Nagawa nila ito sa loob lamang ng tatlong buwan, at
mas marami pa pong gagawin dito hangga’t matapos ang 36,000 sitios, na
dati’y inaabot ng dalawang taon. Kay Secretary Rene Almendras, bilib
talaga ako sa iyo; parang hindi ka nauubusan ng enerhiya. Sa
paghahatid-serbisyo, hindi ka lang eveready, nagmistulang energizer
bunny ka pa—you keep on going, and going, and going. [Applause]
Nangingibabaw na nga po ang liwanag sa ating bayan—liwanag
na nagsiwalat sa krimeng nagaganap sa madidilim na sulok ng lipunan. Ang
pinagsisikapang kitain ng Pilipino, hindi na magagantso. Patuloy po ang
pagbaba ng crime volume sa buong bansa. Ang mahigit limandaan libong
krimen na naitala noong 2009, mahigit kalahati po ang nabawas: 246,958
na lamang iyan nitong 2011. Dagdag pa rito: ang dating dalawanlibo’t
dalawandaang kaso ng carnapping noong 2010, lampas kalahati rin ang
ibinaba: 966 na lang po iyan pagdating ng 2011.
Ito nga po sana ang dalhin ng ating mga headline. Hindi po
natin sinasabing wala nang krimeng nagaganap, pero palagay ko naman po,
wala dapat magalit na nangalahati na ito. Si Raymond Dominguez na
matagal nang labas-masok sa kulungan, hindi ba’t sa loob lamang ng
mahigit isang taon, nasentensyahan at naipakulong na? Ang dalawa pa
niyang kapatid ay sinampahan na rin natin ng kaso at kasalukuyan na ring
nakabilanggo. May dalawang suspect sa bus bombing sa Makati noong
nakaraang taon, ang isa po’y pumanaw na; ‘yung isa, humihimas na ng
rehas. Kakosa niya ang mahigit sampung libong sangkot sa ilegal na droga
na inaresto ng PDEA nitong 2011. [Applause]
Alam po nating hindi araw-araw ang laban ni Pacman, at
hindi puwedeng iasa dito ang pagbaba ng krimen. Kaya nga po pinalalakas
natin ang puwersa ng kapulisan. ‘Di po ba, nang dumating tayo,
apatnapu’t limang porsyento ng ating kapulisan ang walang baril at
umaasa sa anting-anting habang tumutugis ng masasamang-loob? [Laughter]
May nanalo na po sa bidding, tinitiyak na lamang nating dekalidad ang
kanilang mga produkto. Pagkatapos ng proseso, at itong taon po nating
inaasahan ito, maipagkakaloob na ang 74,600 na baril na magagamit nila
upang ipagtanggol at alagaan ang bayan, lipunan, at sarili. [Applause]
Dumako naman po tayo sa usapin ng pambansang tanggulan. May
mga nagsabi na po na ang ating Air Force, “all air, at no force.”
[Laughter] Imbes na alagaan ng estado, para bang sinasadyang ilagay sa
alanganin ang ating mga sundalo. Hindi po tayo makakapayag na manatiling
ganito.
Makalipas nga lang po ang isang taon at pitong buwan,
nakapaglaan na tayo ng mahigit dalawampu’t walong bilyong piso para sa
AFP Modernization Program. Aabutan na nito ang tatlumpu’t tatlong
bilyong pisong pondo na ipinagkaloob sa nasabing programa sa nakalipas
na labinlimang taon. [Applause] Bumubuwelo pa lang po tayo sa lagay na
‘yan: kapag naipasa na ang panukala nating AFP modernization bill sa
Kongreso, makakapaglaan tayo ng pitumpu’t limang bilyong piso para sa
susunod na limang taon.
Kasado na rin po ang tatlumpung milyong dolyar na pondong
kaloob ng Estados Unidos para sa Defense Capability Upgrade and
Sustainment of Equipment Program ng AFP. Bukod pa po ito sa tulong nila
upang pahusayin pa ang pagmanman sa ating mga baybayin sa ilalim ng
itatayong Coast Watch Center ng Pilipinas.
Nagka-canvass na rin po ang Sandatahang Lakas ng mga
kagamitan tulad ng mga kanyon, armored personnel carrier, at frigates.
Hindi magtatagal, dadaong na ang karelyebo ng BRP Gregorio del Pilar sa
ating pampang. Sa Enero, aangkla na po sa Pilipinas ang BRP Ramon
Alcaraz, ang pangalawa nating Hamilton class cutter. ‘Di na po bangkang
papel ang ating ipapalaot; [applause] ngayon po, mga hi-tech at
dekalidad na barko na ang tatanod sa 36,000 kilometers nating coastline.
Mainam na rin po siguro kung maglilinis-linis na ng mga
hangar ang ating Sandatahang Lakas, dahil darating na ang mga kagamitang
lalong magpapatikas sa ating tanggulan. Sa wakas, may katuwang na po
ang kaisa-isa nating C-130 na tatlumpu’t anim na taon nang rumoronda sa
himpapawid: dalawa pang C-130 ang magiging operational ulit sa taong
ito. Bago matapos ang taong ito, inaasahan nating mai-dedeliver na ang
binili nating dalawampu’t isang refurbished UH-1H Helicopter, apat na
combat utility helicopters, mga radyo’t iba pang communication
equipment, rifles, mortars, mobile diagnostic laboratories, kasama na
ang bullet station assembly. [Applause] Pagdating naman po ng 2013,
lalapag na ang sampung attack helicopters, dalawang naval helicopters,
dalawang light lift aircraft, isang frigate, at mga force protection
equipment. [Applause]
At hindi lang po natin sa armas ipinaparamdam ang
pagkalinga sa ating pulis at kasundaluhan. Nabawasan na rin po ang mga
pasanin nila sa pamumuhay dahil sa mahigit dalawampu’t dalawang libong
bahay ang naipatayo na sa ilalim ng AFP–PNP housing program. [Applause]
Hindi po ito tungkol sa pakikipaggirian o
pakikipagmatigasan. Hindi ito tungkol sa pagsisiga-sigaan. Tungkol ito
sa pagkamit ng kapayapaan. Tungkol ito sa kakayahan nating ipagtanggol
ang ating sarili—isang bagay na kaytagal nating inisip na imposible.
Tungkol po ito sa buhay ng isang sundalong araw-araw sumasabak sa
peligro; tungkol ito sa pamilya niyang nag-aabang na makabalik siyang
ligtas, ano man ang kanyang makaharap. Hayaan po nating ang ilang mga
benipisyaryo ang magbigay ng kani-kanilang mga kuwento:
[Video]
At ngayon ngang inaaruga na sila ng taumbayan, lalo namang
ginaganahan ang ating kasundaluhan na makamtan ang kapayapaan. Tagumpay
pong maituturing ang dalawandaan at tatlong rebeldeng sumuko at
nagbabalik-loob na sa lipunan, at ang 1,772 na bandidong nawakasan na
ang karahasan. Halimbawa po ang kilabot na teroristang si Doctor Abu, na
hindi na makakapaghasik ng kaniyang lagim. Nagpupugay rin po tayo sa
panunumbalik ng katahimikan sa mga lugar na matagal nang biningi ng
putukan. Ang resulta nga po ng bayanihan: 365 na barangay ang naagaw sa
kamay ng kaaway, 270 na gusali’t paaralan ang naipaayos, at 74 health
centers ang naipagawa. [Applause]
Kung kapayapaan na lang din po ang usapan, dumako naman
tayo sa lugar na matagal naging mukha ng mga mithiing ‘di
makamtan-kamtan. Bago po magsimula ang mga reporma natin sa ARMM, at
alam naman po n’yo, may mga ghost students doon, na maglalakad sa isang
ghost road, tungo sa isang ghost school, para magpaturo sa isang ghost
teacher. Ang mga aparisyon pong gumulantang kay OIC Governor Mujiv
Hataman: [applause] Apat na eskuwelahan na natagpuang may ghost
students; iniimbestigahan na rin ang mga teacher na hindi lumilitaw ang
pangalan sa talaan ng Professional Regulation Commission, gayundin ang
mga tauhan ng gobyernong hindi nakalista sa plantilya. Limampu’t limang
ghost entry ang tinanggal sa payroll. Ang dating paulit-ulit na
pagsasaboy ng graba sa kalsada para lang pagkakitaan ng pera, bawal na.
Wala nang cash advance sa mga ahensya, para maiwasan ang pagsasamantala.
Ang mga multo sa voters list, mapapatahimik na ang kaluluwa. [Applause]
Kaya nga po kay OIC Gov. Mujiv Hataman, ang masasabi natin: talaga
namang isa ka nang certified ghost buster.
Ang pumalit po, at pinapalit na: pabahay, tulay, at
learning center para sa mga Badjao sa Basilan. Mga community-based
hatchery, lambat, materyales para maglinang ng seaweeds, at punlang
napakinabangan ng 2,588 na mangingisda. Certified seeds, punla ng gabi,
cassava, goma, at mga punong namumunga para sa 145,121 na magsasaka.
Simula pa lang po iyan: nakalaan na ang 183 million pesos para sa mga
municipal fishing port projects sa ARMM; 310.4 million pesos para sa mga
istasyon ng bumbero; 515 million pesos para sa malinis na inuming
tubig; 551.9 million pesos para sa mga kagamitang pangkalusugan; 691.9
million pesos para sa daycare centers; at 2.85 billion pesos para sa mga
kalsada at tulay na babagtas sa rehiyon. Ilan lang po iyan sa
patutunguhan ng kabuuang 8.59 billion pesos na ipinagkaloob ng
pambansang gobyerno para isakatuparan ang mga reporma sa ARMM.
[Applause] Lilinawin ko rin po: hindi pa kasama rito ang taunang
suportang natatanggap nila, na ngayong 2012 ay umabot sa 11.7 billion
pesos. [Applause]
Miski po ang mga dating gustong tumiwalag, nakikita na ang
epekto ng reporma. Kinikilala natin bilang pahiwatig ng kanilang tiwala
ang nakaraang pitong buwan, kung kailan walang nangyaring sagupaan sa
pagitan ng militar at ng MILF. Sa peace process naman po: hayag at
lantaran ang usapan; nagpapamalas ang magkabilang panig ng tiwala sa
isa’t isa. Maaaring minsan, magiging masalimuot ang proseso; signos lang
po ito na malapit na nating makamit ang nag-iisa nating mithiin:
Kapayapaan.
Mapayapang pag-uusap rin po ang prinsipyong isinulong natin
upang mabuo ang ating Executive Order ukol sa pagmimina. Ang kaisipan
sa likod ng nabuong consensus: mapakinabangan ang ating likas na yaman
upang iangat ang buhay ng Pilipino, hindi lamang ngayon kundi pati na
rin sa susunod na salinlahi. Hindi natin pipitasin ang ginintuang bunga
ng industriyang ito, kung ang magiging kabayaran ay ang pagkasira ng
kalikasan. [Applause]
Ngunit unang hakbang lamang ito. Isipin po ninyo: Noong
2010, 145 billion pesos ang kabuuang halaga na nakuha mula sa pagmimina,
subalit 13.4 billion pesos lamang o siyam na porsyento ang napunta sa
kaban ng bayan. Ang likas na yaman, pag-aari ninyo; hindi tayo papayag
na balato lang ang mapupunta sa Pilipino. Umaasa po tayo sa pakikiisa ng
Kongreso upang makapagpasa ng batas na sisigurong napapangalagaan ang
kalikasan at matitiyak na makatarungan ang magiging pakinabang ng
publiko at pribadong sektor sa mga biyayang makukuha natin mula sa
industriyang ito. [Applause]
Pag-usapan po natin ang situwasyon sa Disaster Risk
Reduction and Management. Dati, ang gobyernong dapat tumutulong,
nanghihingi rin ng tulong. Ngayon, nasa Pasipiko pa lang ang bagyo, alam
na kung saan idedestino ang ayuda, at may malinaw nang plano upang
maiwasan ang peligro.
Tuwing pag-uusapan nga po ang sakuna, lagi kong naaalala
ang nangyari po sa amin sa Tarlac noong minsang bumagyo. Sa lakas ng
ulan, bumigay ang isang dike. Nang nagising ang isang barangay captain,
tinangay na ng baha ang kanyang pamilya at mga kagamitang pangsaka. Buti
nga po’t nakaligtas ang buong mag-anak. Malas lang po ng kalabaw nilang
naiwang nakatali sa puno; nabigti ito sa lakas ng ragasa.
Walang kalaban-laban din po ang marami sa tinamaan ng
bagyong Ondoy, Pepeng, at Sendong. Napakarami pong nasawi sa paghagupit
ng mga delubyong ito. Sa ilalim ng bagong-lunsad na Project NOAH,
isinakay natin sa iisang bangka ang mga inisyatiba kontra-sakuna, at
hindi na rin po idinadaan sa tsamba ang paglilikas sa mga pamilya. Gamit
ang teknolohiya, nabibigyan na ng wastong babala ang Pilipino upang
makapaghanda at makaiwas sa disgrasya.
Real-time at direkta na ang pakinabang ng walumpu’t anim na
automated rain gauges at dalawampu’t walong water level monitoring
sensors natin sa iba’t ibang rehiyon. Bago matapos ang 2013, ang target
natin: animnaraang automated rain gauges at apatnaraan at dalawampu’t
dalawang water level sensors. Ipapakabit po natin ang mga ito sa
labingwalong pangunahing river basins sa buong bansa. [Applause]
Isa pa pong pagbabago: Dati, ang mga ahensya’y
kanya-kanyang habulan ng numero, kanya-kanyang agenda, kanya-kanyang
pasikatan. Ngayon, ang kultura sa gobyerno: bayanihan para sa kapakanan
ng taumbayan. Convergence po ang tawag natin dito.
Dati pa naman po naglipana ang mga programa sa tree
planting. Pero matapos magtanim, pababayaan na lang ang mga ito. Kapag
nakita ng mga komunidad na naghahanap din ng kabuhayan, puputulin ang
mga ito para gawing uling.
May solusyon na po rito. Mayroon na pong 128,558 hectares
ng kagubatang naitanim sa buong bansa; bahagi lang po iyan ng kabuuang
1.5 million na ektaryang matatamnan bago tayo bumaba sa puwesto.
[Applause] Nakapaloob po rito ang mga komunidad na nasa ilalim ng
National Convergence Initiative. Ang proseso: pagkatanim ng puno,
makikipag-ugnayan ang DSWD sa mga komunidad. Kapalit ng conditional cash
transfer, aalagaan ang mga puno; mayroon ding mga magpapalago ng bagong
punla sa nursery. 335,078 na po ang mga Pilipinong nakakakuha ng
kabuhayan mula dito.
Sa isa nga pong programa, nakiambag din ang pribadong
sektor, na nagbibigay ng espesyal na binhi ng kape at cacao sa
komunidad, at tinuturuan silang alagaan at siguruhing mataas ang ani.
Itinatanim ang kape sa lilim ng mga puno, na habang nakatayo ay
masisigurong hihigop ng baha at tutulong makaiwas tayo sa pinsala. Ang
kumpanyang nagbigay ng binhi, sure buyer na rin ng ani. Panalo po ang
mga komunidad nay may dagdag kita, panalo ang pribadong sektor, panalo
pa ang susunod na salinlahing makikinabang sa matatayog na puno.
[Applause]
Matagal na pong problema ang illegal logging. Mula nga po
nang lumapag ang EO 23, nakasabat na si Mayor Jun Amante ng mahigit anim
na milyong pisong halaga ng troso. Nagpapasalamat tayo sa kanya. Sa
Butuan pa lang ito; paano pa kung magpapakita ng ganitong political will
ang lahat ng LGU?
Ang mga trosong nakukumpiska ng DENR, lalapag sa mga
komunidad na naturuan na ng TESDA ng pagkakarpintero. Ang resulta: upuan
para sa mga pampublikong paaralan na hawak naman ng DepEd. Isipin po
ninyo: ang dating pinagmumulan ng pinsala, ngayon, tulay na para sa mas
mabuting kinabukasan. Dati, imposible nga ito: Imposible kung
nagbubulag-bulagan ang pamahalaan sa ilegal na gawain.
Kaya kayong mga walang konsensya; kayong mga paulit-ulit isinusugal ang buhay ng kapwa Pilipino: maghanda na kayo. Tapos na ang maliligayang araw po ninyo. [Applause] Sinampolan na natin ang tatlumpu’t apat na kawani ng DENR, isang PNP provincial director, at pitong chief of police. Pinagpapaliwanag na rin po natin ang isang Regional Director ng PNP na nagbingi-bingihan sa aking utos at nagbulag-bulagan sa mga dambuhalang trosong dumaan sa kanilang tanawin. Kung hindi kayo umayos, isusunod namin kayo. Magkubli man kayo sa ilalim ng inyong mga padrino, aabutan namin kayo. Isasama na rin namin ang mga padrino ninyo. [Applause] Kaya bago pa magkasalubong ang ating landas, ako po’y muling makikiusap, mas maganda sigurong tumino na kayo.
Mula sa sinapupunan, sa pag-aaral at pagtatrabaho, may
pagbabago nang haharap sa Pilipino. At sakaling piliin niyang
magserbisyo sa gobyerno, tuloy pa rin ang pag-aaruga ng estado hanggang
sa kanyang pagreretiro. Tatanawin ng pamahalaan ang kanyang ambag bilang
lingkod-bayan, at hindi ipagdadamot sa kanya ang pensiyong siya rin
naman ang nagpuhunan.
Isipin po ninyo, at ako po’y nagulat dito: may mga
pensyonado tayong tumatanggap ng 500 pesos lamang kada buwan. Paano kaya
niya ito pagkakasiyahin sa tubig, kuryente, at pagkain araw-araw? Ang
atin pong tugon: Pagsapit ng bagong taon, hindi na bababa sa limanlibong
piso ang matatanggap na buwanang pensyon ng ating old-age and
disability pensioners. [Applause] Masaya tayong matutugunan natin ang
pangangailangan nila ngayon, nang hindi isinusugal ang kapakanan ng mga
pensyonado bukas.
Iba na po talaga ang mukha ng gobyerno. Sumasabay na po sa
pribadong sektor ang ating pasahod para sa entry level. Pero kapag sabay
kayong na-promote ng kaklase mong piniling mag-pribado, nagkakaiwanan
na.
Mahahabol din po natin iyan; pero sa ngayon, ang good news
natin sa mga nagtatrabaho sa pamahalaan: Performance-Based Incentives.
Dati, miski palpak ang palakad ng isang ahensya, very satisfactory pa
rin ang pinakamababang rating ng empleyado. Dahil sa pakikisama,
nahihirapan ang bisor na bigyan ng makatarungang rating ang mga tauhan
niya. Nakakawawa tuloy ang mga mahusay magtrabaho; nawawalan sila ng
dahilan para galingan dahil parehas lang naman ang insentibo ng mga
tamad at pursigido.
Heto po ang isa lamang sa mga hakbang natin upang tugunan
ito. Simula ngayong taon, magpapatupad tayo ng sistema kung saan ang
bonus ay nakabase sa pagtupad ng mga ahensya sa kanilang mga target para
sa taon. [Applause] Nasa kamay na ng empleyado ang susi sa kanyang
pag-angat. Ang insentibo, maaaring umabot ng tatlumpu’t limang libong
piso, depende sa pagpapakitang-gilas mo sa iyong trabaho. Dagdag pa ito
sa across-the-board na Christmas bonus na matatanggap mo.
Ginagawa natin ito, hindi lamang para itaas ang kumpiyansa
at ipakita ang pagtitiwala natin sa ating mga lingkod-bayan. Higit sa
lahat, para ito sa Pilipinong umaasa sa tapat at mahusay na serbisyo
mula sa lingkod-bayan, at umaasang sila at sila lamang ang itinuturing
na boss ng kanilang pamahalaan.
Alam po niyo, sa simula pa lang mayroon nang mga
kumuwestiyon sa sinasabi nating, “Kung walang corrupt, walang mahirap.”
Hanggang ngayon mayroon pa rin pong mangilan-ngilang nagtatanong:
nakakain ba ang mabuting pamamahala? Ang simpleng sagot, “Siyempre.”
Isipin po natin ang ating pinanggalingan: Dati, parang
“Wild West” ang pamumuhunan sa Pilipinas. May peligro na nga ang
negosyo, sinagad pa ang risko dahil sa di tiyak at nakalihim na
patakaran. Kakamayan ka nga gamit ang kanan, kokotongan ka naman na
gamit ang kaliwa.
Ngayon, dahil patas na ang laban, at may hayag at hindi
pabagu-bagong mga patakaran, patuloy ang pagtaas ng kumpiyansa sa ating
ekonomiya. Patuloy ang pagpasok ng puhunan; patuloy ang pagdami ng
trabaho; patuloy ang positibong siklo ng pagkonsumo, paglago ng negosyo,
at pagdami ng mamamayang naeempleyo. [Applause]
Dahil maayos ang paggugol ng gobyerno, walang tagas sa
sistema. Dahil maayos ang pangkolekta ng buwis, lumalago ang kaban ng
bayan. Bawat pisong nakokolekta, tiyak ang pupuntahan: Piso itong
diretso sa kalsada, piso para sa bakuna, piso para sa classroom at
upuan, piso para sa ating kinabukasan. [Applause]
Dahil maayos ang paggawa ng tulay, kalsada, at gusali,
itinatayo ang mga ito kung saan kailangan. Maayos ang daanan, mas
mabilis ang takbo ng produkto, serbisyo, at mamamayan.
Dahil maayos ang pamamahala sa agrikultura, tumataas ang
produksyon ng pagkain, at hindi pumapalo ang presyo nito. Stable ang
pasahod, at mas malakas ang pambansang ekonomiya.
Tunay nga po: Ang matatag at malakas na ekonomiyang
pinanday ng mabuting pamamahala ang pinakamabisang kalasag laban sa mga
hamon na kinakaharap ng daigdig. Dalawang taon po nating binaklas ang
mga balakid sa pag-unlad, at ngayon, tayo na lang mismo ang makakapigil
sa ating sariling pag-angat.
Ginawa po natin ang lahat ng ito habang binubuno rin ng
bawat bansa sa iba’t ibang sulok ng daigdig ang kani-kanilang problema’t
pagsubok.
Hindi po tayo nag-iisa sa mundo, kaya’t habang tinutugunan
natin ang sarili nating mga suliranin, angkop lamang na bantayan din ang
ilang pangyayaring maaaring makaapekto sa atin.
Naging maugong ang mga kaganapan sa Bajo de Masinloc. May
mga mangingisdang Tsinong pumasok sa ating teritoryo. Nasabat ng barko
natin at nasabad sa kanilang mga barko ang endangered species. Bilang
pinuno, kailangan kong ipatupad ang batas na umiiral sa ating bansa. Sa
pagsulong nito, nagbungguan ang Nine-Dash Line Theory ng mga Tsino, na
umaangkin sa halos buong West Philippine Sea, at ang karapatan natin at
ng marami pang ibang bansa, kasama na ang Tsina, na pinagtibay naman ng
United Nations Convention on the Laws of the Sea.
Ibayong hinahon ang ipinamalas natin. Ang barko ng Hukbong
Dagat, bilang tanda ng ating malinis na hangarin, ay agad nating
pinalitan ng barkong sibilyan. Hindi tayo nakipagsagutan sa mga banat ng
kanilang media sa atin. Hindi naman po siguro kalabisan na hilingin sa
kabilang panig na galangin ang ating karapatan, gaya ng paggalang sa
kanilang mga karapatan bilang kapwa bansang nasa iisang mundong
kailangang pagsaluhan.
Mayroon po tayong mga miron na nagsasabing hayaan na lang
ang Bajo de Masinloc; umiwas na lang tayo. Pero kung may pumasok sa
inyong bakuran at sinabing sa kanya na ang kanyang kinatatayuan ay sa
kanya na, papayag ba kayo? Hindi naman po yata tamang ipamigay na lang
natin sa iba ang sadyang atin talaga. [Applause]
Kaya nga po hinihiling ko sa sambayanan ang pakikiisa sa
isyung ito. Iisa lang po dapat ang kumpas natin. Tulungan ninyo akong
iparinig sa kabilang panig ang katuwiran ng ating mga paninindigan.
Hindi po simple ang sitwasyon, at hindi magiging simple ang
solusyon. Magtiwala po kayo: kumokonsulta tayo sa mga eksperto, at sa
lahat ng pinuno ng ating bansa, pati na sa kaalyado natin—gayundin sa
mga nasa kabilang panig ng usaping ito—upang makahanap ng solusyon na
katanggap-tanggap sa lahat. [Applause]
Sa bawat hakbang sa tuwid na daan, nagpunla tayo ng
pagbabago. Ngunit may mangilan-ngilan pa ring pilit na bubunot nito.
Habang nagtatalumpati ako ngayon, may mga nagbubulung-bulungan sa isang
silid at hinihimay ang aking mga sinasabi; naghahanap ng butas na
ipambabatikos bukas. Sasabihin nila, “Salita lang ito, at hindi totoo
ang tuwid na landas.” Sila rin po ang magsasabing hayaan na, magkaisa
na; forgive and forget na lang para makausad na tayo.
Hindi ko po matatanggap ito. Forgive and forget na lang ang
sampung taon na nawala sa atin? Forgive and forget na lang para sa
magsasakang nabaon sa utang dahil sa kakaangkat natin ng bigas, gayong
puwede naman palang pagyamanin sa ating sariling lupa?
Forgive and forget na lang ba para sa pamilya ng isang
pulis na namatay nang walang kalaban-laban, dahil batuta lang ang hawak
niya habang hinahabol ang armadong masasamang-loob?
Forgive and forget na lang ba para sa mga naulila ng
limampu’t pitong biktima ng masaker sa Maguindanao? Maibabalik ba sila
ng “forgive and forget?” [Applause] Forgive and forget ang lahat ng
atraso ng mga naglubog sa atin sa bulok na estado? Forgive and forget
para maibalik ang lumang status quo? Ang tugon ko, “Ang magpatawad,
maaari; ang makalimot, hindi.” [Applause] Kung ang nagkasala ay hindi
mananagot, gagarantiyahan mo ang pagpapahirap muli sa sambayanan.
Ang tunay na pagkakaisa at pagkakasunduan ay magmumula
lamang sa tunay at ganap na katarungan. Katarungan ang tawag sa plunder
case na isinampa laban sa dating pangulo. [Applause] Katarungan na
bigyan siya ng pagkakataong harapin ang mga akusasyon at ipagtanggol ang
kanyang sarili. Katarungan ang nasaksihan natin noong ika-dalawampu’t
siyam ng Mayo. Noong araw na iyon, pinatunayan natin: Posibleng
mangibabaw ang katarungan kahit na ang kabangga mo ay may mataas na
katungkulan. [Applause] Noong araw na iyon, may isang Delsa Flores sa
Panabo, Davao del Norte, na nagsabing, “Posible palang iisang batas lang
ang kailangang sundin ng court interpreter na tulad ko, at ng Punong
Mahistrado.” [Applause] Posible palang maging patas ang timbangan;
maaaring isakdal at panagutin miski ang mayaman at makapangyarihan.
Kaya po sa susunod na magiging Punong Mahistrado, malaki
ang inaasahan sa inyo ng sambayanan. Napatunayan na po nating posible
ang imposible; ang trabaho natin ngayon, siguruhing magpapatuloy ang
pagbabago tungo sa tunay na katarungan, matapos man ang ating termino.
[Applause] Marami pong sira sa sistemang kailangan ninyong kumpunihin,
at alam kong hindi magiging madali ito. Alam ko po kung gaano kabigat
ang pasanin ng isang malinaw na mandato; ngunit ito ang atas sa atin ng
taumbayan; ito ang tungkuling ating sinumpaan; ito ang kailangan nating
gampanan.
Simple lang ang hangad natin: kung inosente ka, buong-loob
kang haharap sa korte, dahil kampante kang mapapawalang-sala ka. Kung
ikaw ang salarin, anuman ang apelyido mo, o gaano man karami ang
titulong nakakabit sa iyong pangalan, may katiyakan din na pananagutan
mo ang ginawa mong kasalanan. [Applause]
Salamat din po kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales,
[applause] sa pagtanggap ng hamon na maging tunay na tanod-bayan. Kung
tutuusin, pwede na niyang tanggihan ang responsibilidad at sabihing,
“Retirado na ako, puwede bang ‘yung iba na lang?” Subalit nangibabaw ang
kaniyang malasakit sa bayan. Sa kabila nito, may nagregalo pa rin sa
kanya ng granada sa bahay. [Laughter] Ma’am, may mga darating pa pong
pagsubok; baka po paglaon, magaya na kayo sa akin na tinatawag,
sabay-sabay pang tinatawag, na ganid na kapitalista na komunista din
patungong diktador dahil sa masigasig na mga repormang ipinapatupad
natin.
Bilib po ako sa inyong pagpapakitang-gilas at maraming
salamat sa pagiging instrumento ng katarungan, lalo na noong kasagsagan
ng impeachment trial. Salamat din po sa dalawang institusyong bumubuo ng
Kongreso: Sa Senado at Kamara de Representante, na tinimbang ng
taumbayan at nakitang sapat na sapat.
Sa lahat po ng tumulong sa pagpapagana ng mga prosesong
pangkatarungan: Dumaan kayo sa matinding pagsubok, batikos, at
agam-agam; kasama pa ang kaba na kung natalo tayo, kayo ang unang
pupuntiryahin ng kalaban. Pero ‘di kayo natinag. Umasa sa inyo ang
Pilipino, at pinatunayan ninyong tama ang pag-asa sa inyo. Hindi ninyo
binigo ang sambayanan; ipinaliwanag ninyo lalo ang ating kinabukasan.
[Applause]
Paalala lang po: hindi natatapos ang laban sa isang
tiwaling opisyal na natanggal sa puwesto, sa isang maanomalyang
kontratang napigil ipatupad, o sa isang opisinang naituwid ang
pamamalakad. Kaya naman nananawagan po tayo sa Kongreso na ipasa ang
panukala nating sa pag-amyenda sa Anti-Money Laundering Act, upang mas
mapaigting pa natin ang pagpapanagot sa mga tiwali.
Itong tinatamasa natin ngayon: ang bawat nailawan at
iilawan pang sitio; ang bawat daan, tulay, paliparan, tren, at daungan;
ang bawat kontratang walang bukol; ang kaligtasan at kapayapaan mula
lungsod hanggang nayon; ang pagbalik ng piring sa sistemang
pangkatarungan; ang bawat classroom, upuan, at aklat na napasakamay ng
kabataan; ang bawat Pilipinong nahahandugan ng bagong kinabukasan—ang
lahat ng ito, naabot natin sa loob lamang ng dalawang taon.
Pagtabihin po natin ang dalawang taon na ito, at ang
nakaraang siyam at kalahating taon na ating pinagdusahan. ‘Di po ba’t
sumusulong na ang agenda ng pagbabago? Ang kapareho namin ng adhikain,
malamang, kasama namin sa agendang ito. At kung kontra ka sa amin,
siguro kontra ka rin sa ginagawa namin. Kung kumukontra sila sa agenda
ng pagbabago, masasabi ba niyang sila’y nasa panig ninyo?
Paparating na naman po ang halalan. Kayo po, ang aming mga
boss, ang tangi naming susundan. Ang tanong ko sa inyo, “Boss, saan tayo
tatahak? Tuloy ba ang biyahe natin sa tuwid na landas, o magmamane-obra
ba tayo’t paatras, pabalik sa daan na baluktot at walang patutunguhan?”
Naalala ko pa po noong nagsimula tayo. Mulat na mulat ako
sa bigat ng pasaning sasalubong sa atin. Kabilang ako sa mga nag-isip:
Kaya pa bang ituwid ang ganito kabaluktot na sistema?
Heto po ang aking natutuhan sa dalawampu’t limang buwan ng
pagkapinuno: Walang pong imposible. [Applause] Walang imposible dahil
kung nakikita ng taumbayan na sila ang tanging boss ng kanilang
pamahalaan, bubuhatin ka nila, gagabayan ka nila, sila mismo ang
mamumuno tungo sa makabuluhang pagbabago. Hindi imposible na ang
Pilipinas ang maging kauna-unahang bansa sa Timog-Silangang Asya na
magbibigay at nagbibigay ng libreng bakuna laban sa rotavirus. Hindi
imposible para sa Pilipinas na tumindig at sabihing: “Ang Pilipinas ay
sa Pilipino—at handa kaming ipagtanggol ito.” Hindi imposible na ang
Pilipinong kaytagal nang yumuyuko tuwing may nakakasalubong na
dayuhan—ang Pilipino, ngayon, taas-noong tinitingala ng buong mundo.
[Applause] Talaga namang ang sarap maging Pilipino sa mga panahong ito.
Noon pong nakaraang taon, hiniling ko sa taumbayan:
Magpasalamat sa mga nakikiambag sa positibong pagbabago sa lipunan.
Hindi po biro ang mga pagsubok na dinaanan natin, kaya angkop lamang na
pasalamatan ang mga taong nakibalikat, sa pagkukumpuni sa mga maling
idinulot ng masamang pamamahala.
Sa lahat ng miyembro ng aking Gabinete: Maraming, maraming
salamat. [Applause] Mapalad po ang sambayanan at may mga tulad ninyong
handang isuko ang pribado at mas tahimik na pamumuhay para maghatid
serbisyo-publiko, kahit pa batid ninyong ang kapalit nito ay mas maliit
na sweldo, panganib, at pambabatikos. Maraming salamat muli.
Huwag din po sana nilang masamain dahil personal ko silang
papangalanan: Kina Father Catalino Arevalo, at Sister Agnes Guillen, na
dumidilig at nagpapalago sa aking buhay spirituwal, lalo na sa mga
panahong sukdulan ang pagsubok sa amin, maraming, maraming salamat din
po. [Applause]
Ito po ang aking ikatlong SONA, tatlo na lamang din po ang
natitira. Papasok na po tayo sa kalagitnaan ng ating liderato. Noong
nakaraang taon, ang hamon ko sa inyo: iwaksi ang kultura ng negatibismo;
sa bawat pagkakataon, iangat ang kapwa-Pilipino.
Batid po sa tinatamasa natin ngayon: hindi kayo nabigo. Sa inyo nagmula ang pagbabago. Ang sabi ninyo: posible.
Humaharap po ako sa inyo bilang mukha ng isang gobyernong
kayo ang boss at kayo pa rin ang lakas. Inuulat ko lamang ang mga
pagbabagong ginawa ninyong posible.
Kaya nga po sa lahat ng nurse, midwife, o doktor na
piniling magsilbi sa mga baryo; sa bawat bagong graduate na piniling
magtrabaho sa gobyerno; sa bawat atletang Pilipinong bitbit ang watawat
saan mang panig ng mundo; sa bawat kawani ng pamahalaan na tapat na
nagseserbisyo: Kayo po ang gumawa ng pagbabago. [Applause]
Sa tuwing haharap ako sa isang ina na nagsasabing, “Salamat
at nabakunahan na ang aking sanggol,” ang tugon ko: Ikaw ang gumawa
nito.
Sa tuwing haharap ako sa isang bata na nagsasabing,
“Salamat sa papel at lapis, sa pagkakataong makapag-aral,” ang tugon ko:
Kasama ka sa gumawa nito.
Sa tuwing haharap ako sa isang OFW na nagsasabing, “Salamat
at puwede ko na muling pangaraping tumanda sa Pilipinas,” ang tugon ko:
Ikaw ang gumawa nito.
Sa tuwing haharap ako sa isang Pilipinong nagsasabing,
“Salamat, akala ko hindi na magkakakuryente sa aming sitio. Akala ko
hindi ko na aabuting buhay ang liwanag na ganito,” ang tugon ko: Ikaw
ang gumawa nito.
Sa bawat pagkakataon na haharap ako sa isang magsasaka,
guro, piloto, inhinyero, tsuper, ahente sa call center, karaniwang
Pilipino; sa bawat Juan at Juana dela Cruz na nagsasabing “Salamat sa
pagbabago,” ang tugon ko sa inyo: Kayo ang gumawa nito. [Applause]
Inuulit ko po: posible na ang dating imposible. Humaharap
po ako sa inyo ngayon, at sinasabing: hindi ko SONA ito. Kayo ang gumawa
nito. SONA ito ng sambayanang Pilipino. Maraming, maraming salamat po
at magandang hapon po sa lahat. [Applause]
0 Comments